10 Hakbang/Step sa 100 Araw Tungo sa Kaunlaran ng Bayan: NEW DEAL PARA SA BANSANG PILIPINAS (pls. repost and give your comments)
Mahal na kababayan,
Hindi ko ibinoto si Noynoy Aquino noong Mayo 2010. Alam mo na siguro ngayon kung bakit.
Gayunpaman, ayaw ko na mabigo rin siya gaya ng nakaraang 14 na presidente ng ating bansa.
Hangad kong matulungan ang ating pamahalaan na maibangon ang ating bayan mula sa lusak ng kahirapan.
Narito ang burador/draft na ginawa ko para sa isang NEW DEAL na maaaring makapagdulot ng kaunlaran sa bawat mamamayan.
Malaya ang bawat isa na ipakalat, ipalaganap, batikusin, tuligsain, purihin atbp. ang burador na ito.
Ang nais ko'y mapag-usapan at mangibabaw sa pambansang diskurso ang mga repormang nasa NEW DEAL na aking iminumungkahi. Actually, hindi lang ako ang nagmumungkahi ng mga hakbang na nasa NEW DEAL. Alingawngaw o echo lang ako ng iba pang mga humihingi ng pagbabago sa ating bansa. Panahon na nga siguro...
Sumasainyo,
David Michael M. San Juan
Institute of Nationalist Education and Republican Democracy (INERD)
P.S. HINDI PA NASUSUBUKAN ANG KAHIT ALING HAKBANG SA NEW DEAL. THERE'S NO HARM IN TRYING (After all, we've been trying in vain to achieve progress through neoliberal capitalism for the past 100 years, and we're still in this shit hole, di ba? It's time to move on na...Here's the way out...)
"NEW DEAL PARA SA BANSANG PILIPINAS: 10 HAKBANG SA 100 ARAW TUNGO SA KAUNLARAN NG BAYAN"
Paano uunlad ang Pilipinas?
Simple lang: tigilan na natin ang pagiging unggoy, ang pagiging sunud-sunuran sa dikta ng International Monetary Fund/IMF-World Bank.
Ano ba ang dikta ng IMF-World Bank sa atin: HUWAG GAMITIN ANG PERA NG BAYAN SA REPORMA SA LUPA, MODERNISASYON NG AGRIKULTURA at PAMBANSA at MAKABANSANG INDUSTRIYALISASYON.
Narito ang mga hakbang na dapat isagawa upang maging maunlad ang bansang Pilipinas, instantly, sa loob lamang ng 100 araw...
ISANG NEW DEAL PARA SA BANSANG PILIPINAS:
1. Ihinto ang pagbabayad ng utang panlabas (foreign debt) at bawasan ang pambayad sa lokal na utang (domestic debt) para magkaroon tayo ng pera na magagamit sa implementasyon ng mga repormang sosyo-ekonomiko na binabanggit sa NEW DEAL na ito. {Dapat ding igiit o ipagpilitan ang pagtatakwil o repudiation ng mga utang na ninakaw lamang ng mga pulitiko noon. Dapat makipag-ugnayan tayo sa iba pang bansang Third World upang maisulong ang pagbura o pagbabasura sa utang ng Third World sa mga bansang First World. Maaari ring pumasok tayo sa mga kasunduang debt-for-Millennium Development Goals swap, kung saan binubura ang utang ng bansa, kapalit ng paglalaan ng mas malaking pondo sa edukasyon, kalusugan at iba pang mga pangunahing serbisyong panlipunan}
2. Ipatupad o iimplement ang mga hakbang na makapagpapasampa ng pera sa kaban ng bayan o mga income-generating projects na magagamit sa mga repormang binabanggit sa NEW DEAL na ito. {Halimbawa: Pagbabalik ng taripa o buwis sa imported na produkto na mayroong katumbas o katulad sa Pilipinas gaya ng asukal, sapatos atbp.; pagpapataw o imposition ng buwis sa mga produktong luho o luxury goods gaya ng sports utility vehicles, Apple laptops, Rolex watch, diamond jewelry atbp.; pagpapataw o imposition ng buwis sa mga big-time financial transaction, partikular ang paglalabas ng dolyar at/o puhunan/investment sa Pilipinas; pagpapataw ng special tax sa 20 pinakamayamang pamilya sa bansa; pagbawi sa mga ninakaw na kayamanan ng bayan ng mga nakaraang diktador at pulitiko}
3. Isailalim sa reporma sa lupa ang LAHAT ng mga hacienda sa Pilipinas, ipamahagi o idistribute nang libre sa mga magsasakang walang sariling lupa ang mga parsela ng hacienda, tulungan ang mga magsasaka sa pagtatayo ng mga kooperatiba na papalit sa mga lumang management board ng mga hacienda. {Dapat pangasiwaan o iadminister ng pamahalaan ang pagbuo ng mga kooperatiba ng magsasaka sa tulong ng mga organisasyon ng mga magsasaka upang lalong maging produktibo ang pagbubungkal sa lupa. Ang mga kooperatiba ang magpapatibay sa pagkakaisa ng mga magsasaka tungo sa mabilis at mas episyenteng produksyon.}
4. Isailalim sa modernisasyon ang agrikultura ng bansa. {Malaki ang papel na gagampanan nito ng mga kooperatiba at/o organisasyon ng mga magsasaka, at mga kolehiyo, unibersidad at mga sentro sa pananaliksik sa bansa, partikular ang mga nangungunang paaralan na maunlad na ang pananaliksik sa larangan ng siyensya at teknolohiya. Ang modernisasyon ng agrikultura ang magtitiyak na mas magiging magaan ang trabaho ng mga magsasaka at magkakaroon sila ng panahon sa paglilibang-libang gaya ng ibang mga mamamayan. Gayundin, ang modernisasyon ng agrikultura ang magtitiyak ng kasapatan sa pagkain ng bansa.}
5. Isulong ang pambansa (national) at makabansang (nationalist) industriyalisasyon o pagtatayo ng mga industriyang Pilipino na lilikha ng mga trabaho para sa mga Pilipino at magsusuplay ng mga pangangailangan ng bansa. {Dapat bigyang-prayoridad ang industriya ng pagkain, petrolyo, enerhiya, kemikal, bakal at mineral, transportasyon atbp. mga industriyang malaki ang gampanin sa pagpapaunlad ng bansa at pagsusuplay ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo sa mga mamamayan. Natural lamang na gobyerno ang magtaguyod ng prosesong ito sapagkat ang pribadong sektor o ang sektor ng mga malalaking negosyante ay may makasariling agenda, samantalang ang gobyerno ay inaasahang magsusulong ng interes ng buong sambayanan. Isa pa, napatunayan nang PALPAK ang anumang tangkang industriyalisasyon na pinangunahan at pinangibabawan ng mga malalaking negosyante sa pribadong sektor. Samakatwid, kakambal ng pambansa at makabansang industriyalisasyon ang pagbabasura sa palpak na programang pribatisasyon. Binibigyang-diin natin na ang pribadong sektor ay may makasariling agenda kaya ang pribatisasyon ay tiyak na daan tungo sa kapahamakan gaya ng dinaranas ng ating bansa ngayon.}
6. Isabansa o inationalize (isailalim ng kontrol ng gobyerno) ang mga pangunahing industriya at/o serbisyo sa bansa, gaya ng tubig, kuryente, petrolyo atbp.
7. Isabansa o inationalize ang mga pinakamalalaking bangko upang tiyakin na magagamit ang pera ng bayan (oo, pera ng bayan ang pera sa bangko!) para sa mga repormang magdudulot ng kaunlaran sa bayan. {Isipin din ang panloloko ng mga pribadong bangko sa sambayanang Amerikano. Makabubuting panoorin ang pelikulang "Capitalism: A Love Story" ni Michael Moore para maintindihan ang numero 6. Narito ang link: http://www.tudou.com/programs/view/iFxXnD4trGk/ }
8. Gawing LIBRE ang edukasyon sa lahat ng antas/lebel (kasama ang antas gradwado o graduate level) upang matiyak ang partisipasyon ng lahat ng mamamayan sa matalino at organisadong pagpapaplano at implementasyon ng mga reporma.
9. Itaguyod ang nasyonalismo, kamalayang panlipunan o social consciousness, pagmamahal sa kalikasan, pagpapahalaga sa kapakanan ng sambayanan (people's welfare) sa edukasyon, kultura at media.
10. Magpatawag ng mga pambansa, rehiyunal at lokal na pulong-bayan upang mapag-usapan ang NEW DEAL at ang pagpapatupad nito.
PARA SA KARAGDAGANG IMPORMASYON, BASAHIN ANG MGA AKLAT SA LIPUNAN, PULITIKA AT EKONOMYA NG MGA SUMUSUNOD:
1. Alejandro Lichauco
2. Renato Constantino
3. Amado V. Hernandez
4. Pedro Salgado, O.P.
5. Roland Simbulan
6. Edberto Villegas
7. James Petras
8. Noam Chomsky
<Photo 1>
No comments:
Post a Comment